© 2023 American Society of Addiction Medicine. Nakalaan ang lahat ng karapatan. ASAM.org
4
PANGKALAHATANG-IDEYA NG PAGGAMOT
Sa panahon ng pagtatasa, tutukuyin din ng clinician ang mga
kinakailangang sikolohikal at panlipunang suporta ng pasyente.
Malamang na magrerekomenda siya ng mga serbisyo ng pagpapayo o
suporta sa pagpapagaling, tulad ng paglahok sa mutual support group.
Gayunpaman, hindi dapat kailanganin ang pakikilahok sa pagpapayo
at iba pang serbisyo ng suporta para makatanggap ng paggamot na
ginagamitan ng gamot. Kung lumahok nga ang pasyente sa mga mutual
support group, mahalagang makahanap ng grupong sumusuporta sa
paggamit ng mga gamot para sa sakit sa paggamit ng opioid.
Bagama't mahalaga ang komprehensibong pagtatasa at medikal na
pagsusuri para sa pagbuo ng plano ng paggamot, hindi dapat iantala o
pigilan ng pagkompleto ng lahat ng pagtatasa ang pagsisimula ng pasyente
sa paggamit ng gamot.
Pagkatapos ng pagtatasa, tatalakayin ng clinician ang lahat ng
inirerekomendang opsyon sa paggamot sa pasyente. Magkakaiba ang
bawat sitwasyon ng pasyente, kaya nakabahaging desisyon sa pagitan ng
pasyente at ng clinician ang pagpili sa mga pinakamahusay na opsyon.
May tatlong pangunahing pagpipilian sa gamot para gamutin ang
pagkalulong sa opioid: methadone, buprenorphine, at naltrexone.
Karaniwang inirerekomenda ang mga gamot na ito kasabay ng pagpapayo
at iba pang serbisyo ng suporta.
May hanay ng iba't ibang opsyon sa paggamot depende sa kalubhaan ng
sakit ng pasyente at iba pang salik. Inilalarawan ng ASAM ang apat na
pangkalahatang antas ng pangangalaga:
• Antas 1 ng ASAM - Outpatient na paggamot. Halimbawa, paggamot
gamit ang buprenorphine o naltrexone mula sa provider ng
pangunahing pangangalaga.
• Antas 2 ng ASAM - Intensive outpatient o bahagyang pagpapaospital.
Sa programang IOP at PHP, makakatanggap ang pasyente ng mahigit
9 o 20 oras bawat linggo ng mga serbisyo sa paggamot, ayon sa
pagkakabanggit.
• Antas 3 ng ASAM - Paggamot sa tirahan. Ang mga programa sa
paggamot sa tirahan ay nagbibigay ng paggamot sa ligtas at parang
nasa bahay na setting kung saan maaaring magsanay ng mga
kasanayang kailangan para sa paggaling ang pasyente.
• Antas 4 ng ASAM - Paggamot sa ospital bilang inpatient. Maaaring
kailanganin ang paggamot bilang inpatient para sa mga pasyenteng may
malubhang medikal o psychiatric na problema na nangangailangan ng
medikal na pangangalaga at pangangalaga ng nars.
Mahalagang talakayin ang maraming iba't ibang opsyon sa paggamot sa
clinician para matukoy kung alin ang pinakaangkop.